Our Review Center featured me for the Women's Month
🌸 Kwentong Lexus: Mga Kwento ng Tagumpay Mother, Student, Criminologist: Isang Kwento ng Determinasyon Hindi hadlang ang pagiging ina sa pangarap—bagkus, ito ang nagiging pinakamalakas na dahilan tungo sa tagumpay. Bago magtapos ang Women’s Month, tampok natin ang kwento ni Crystelle, isang ina ng tatlong anak na pinatunayan na ang pagiging ina ay hindi hadlang sa pag-abot ng pangarap—bagkus, ito ang nagiging pinagmumulan ng lakas upang magpatuloy. Sa edad na 30, nagtapos siya ng BS Criminology habang sabay na ginagampanan ang papel bilang full-time mom sa tatlong anak na may edad na sampu, tatlo, at limang buwang gulang. Noong August 2025, nagsimula ang kanyang review para sa February 2026 Licensure Examination for Criminologists, at sa panahong iyon ay nasa ikalawang trimester na siya ng kanyang pagbubuntis. Hindi naging madali ang kanyang pinagdaanan. Bilang isang ina na nag-aalaga ng buong pamilya, tumutulong sa maliit nilang negosyo, at nag-aaral habang buntis, napakahirap makahanap ng oras para sa review. Mas lalo itong naging hamon nang siya ay manganak noong October 2025, kung kailan hindi pa ganap na nakaka-recover ang kanyang katawan ngunit kinakailangan pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral. Sa kabila ng pagod at puyat, hindi siya sumuko. Sa gabi, kapag tulog na ang kanyang mga anak, doon pa lamang siya nagsisimulang mag-aral—madalas ay inaabot ng alas-dose ng hatinggabi, at muling magigising ng alas-4:30 ng umaga upang asikasuhin ang kanyang asawa at panganay. May mga pagkakataon pang habang nagpapa-breastfeed sa kanyang bunso ay pilit niyang pinapakinggan ang lectures, kahit hirap na hirap nang intindihin dahil sa matinding antok. Ayon kay Crystelle, dumating din ang mga sandaling pakiramdam niya ay nanghihina siya—hindi lamang pisikal kundi pati emosyonal at mental. Ngunit sa gitna ng kahinaan, kumapit siya sa pananampalataya. Ang kanyang paniniwala sa Diyos, ang pangarap ng kanyang mga anak, at ang sakripisyo ng kanyang lola na nagsumikap upang mapag-aral siya ang nagsilbing lakas niya upang magpatuloy. Ang kanyang lola, na nag hahanapbuhay sa ibang bansa upang masuportahan ang kanyang pag-aaral, ay isa sa kanyang pinakamalaking inspirasyon. Sa mismong araw ng board exam, umuwi pa ito sa Pilipinas upang alagaan ang kanyang mga anak habang siya ay nag take ng board exam—isang sakripisyong hindi niya kailanman makakalimutan. Nang dumating ang araw ng paglabas ng resulta, hindi niya maitago ang kaba. Pakiramdam niya ay marami pa siyang hindi alam, lalo na sa isang bahagi ng exam. Ngunit nang i-scroll niya ang listahan ng mga pumasa, nakita niya ang kanyang pangalan—at doon nagsimulang mabuo ang isang ngiting hindi na maalis sa kanyang mukha. Tahimik lang siyang nakangiti habang hawak ang kanyang cellphone, hanggang sa mapansin ng kanyang asawa ang kakaiba niyang saya. Hindi man niya agad nasabi ang balita, alam na ng kanyang asawa na pumasa siya. Sa araw na iyon, kahit simpleng pagkain lamang ng kanyang paboritong Beef Pares Mami, naging mas espesyal ang bawat sandali dahil sa tagumpay na kanyang nakamit. Para kay Crystelle, ang tagumpay na ito ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa kanyang pamilya—lalo na sa kanyang mga anak. Ito rin ay isang paraan upang masuklian ang lahat ng sakripisyong ibinigay ng kanyang lola at ng mga taong naniwala sa kanya. Sa huli, ibinahagi niya ang isang mahalagang mensahe para sa kapwa kababaihan at mga ina: “Itong motherhood, hindi ito hadlang. Ituring mo itong dahilan para magpatuloy nang may matinding determinasyon. Kumapit sa Diyos—Siya ang pinagmumulan ng lakas sa bawat pagsubok.” Ang kwento ni Crystelle ay isang paalala na ang lakas ng isang ina ay walang kapantay. Sa bawat puyat, pagod, at sakripisyo, may nakahandang tagumpay para sa mga kababaihang hindi sumusuko sa kanilang mga pangarap. #WomensMonth #criminologyboardexam #Criminology #CriminologyReview #motherhood #BABAE #Criminologist